Ang tula sa lapida ni Ben Tumbling


ANG TULA SA LAPIDA NI BEN TUMBLING

Nuong nakaraang Marso 28, 2019, nakita ko ang tula sa lapida ni Ben Tumbling sa ulat ni Lourd De Veyra sa programa ng ABC5 na: "Tsismis Noon, History Ngayon" sa https://www.youtube.com/watch?v=qf_DJMphrC4, nasa 11:14 (11 minutes,41 seconds) ng video. Subalit ang tula ay may bandalismo na, kaya di ko na mabasa. Naghanap ako ng malinaw na kopya ng tula, ngunit wala pa akong makita sa internet. Si Ben Tumbling ay kilalang kriminal subalit sa Malabon ay maraming nagmamahal, ayon kay Lourd De Veyra.

Inilabas ko ang katanungang "Ano ang malinaw na nakasulat na tula sa lapida ni Ben Tumbling?" sa facebook. Unang tumugon si kasamang Jilbert Rose. Ang sabi niya: "Puntahan natin greg, Alam ko sa tugatog cementery malabon Yan nkahimlay c Ben tumbling". Ang ikalawang tumugon ay si kasamang Jhuly Panday. Nagpadala siya ng malinaw na litrato ng lapidang kinauukitan ng tulang alay kay Ben Tumbling.

Maraming salamat, kasamang Jhuly, sa maagap mong pagpapadala ng malinaw na liriko ng tula hinggil kay Ben Tumbling. Pero nais ko pa ring puntahan ang sinabi ni kasamang Jilbert upang makita ko mismo ng personal ang lapida.

Sa tulang ito sa lapida ni Ben Tumbling, makikitang ang makatang nagsulat ng tula ay maalam sa tugma at sukat, pagkat ang tula ay binubuo ng labingdalawang pantig bawat taludtod. Pati ang sesura ay sakto sa ikaanim na pantig. Makinis ang pananaludtod.

Sinong makata kaya ang nagsulat ng tulang itong alay kay Ben Tumbling? Marahil siya'y isang makatang taga-Malabon din, subalit hindi kilalang makata. O marahil ay kilalang makata ngunit ayaw amining siya ang sumulat ng tula, at baka balikan siya ng mga nakalaban ni Ben.

Gayunpaman, narito ang kabuuan ng tula kay Ben Tumbling na nakaukit sa lapida.

BEN TUMBLING

IKAW BA'Y MASAMA O ISANG DAKILA
BAKIT BA MARAMI ANG SAYO'Y HUMANGA
MGA MATATANDA, DALAGA AT BATA
SA PAGKAMATAY MO'Y AYAW MANIWALA

BAKIT DI MARINIG SA BIBIG NG TAO
NA KAY BEN GARCIA'Y NAPOPOOT AKO
BAKIT SI BEN TUMBLING AY NAGING IDOLO
GAYONG SA BALITA AY PUSAKAL ITO

BAKIT BA KAYRAMI ANG MGA NALUNGKOT
NG ANG IYONG BUHAY AY AGAD NA NATAPOS
AT BAKIT MARAMING NAGMAGANDANG LOOB
NAG-ABULOY SAYO NG KATAKOT-TAKOT

ANG ALAALA MO AY MAGIGING ARAL
SA TAGA-MALABON AT KARATIG BAYAN
ANG DALANGIN NILA KUNG NASAAN KA MAN
SANA AY KAMTIN MO ANG KAPAYAPAAN

BENJAMIN M. GARCIA
HUNYO 7, 1957
MARSO 13, 1981

Mga Komento

Kilalang Mga Post