Tanggapin ang pera, iboto ang nasa konsensya

TANGGAPIN ANG PERA, IBOTO ANG NASA KONSENSYA

limang daang piso ang bigay para sa balota
kapalit naman ay tatlong taon ng pagdurusa
ang pinapayo ko lang: sige, tanggapin ang pera
ngunit iboto'y kauri't nasa inyong konsensya

ang limang daang piso sa dukha'y malaking tulong
na bigay ng trapong nagtataguyod ng halibyong
pambili ng bigas, delata, o kaya'y galunggong
habang interes lang ng trapo'y patuloy ang sulong

tiyaking ang iboboto'y kakampi ng obrero
kauri ng manggagawa, dukha, di mga trapo
ang mga mandarambong ay huwag nang iboboto
upang di masayang ang ating boto sa dorobo

- gregbituinjr.

* halibyong - salitang Tagalog sa fake news o disinformation
* dorobo - salitang Hapones sa magnanakaw

Mga Komento

Kilalang Mga Post