Kung ako'y maging pangulo

KUNG AKO'Y MAGING PANGULO

kung ako'y maging pangulo, bansa'y aayusin ko
na bawat karapatan ng tao'y nirerespeto
na di na pangunahin ang pag-aaring pribado
na makikinabang ang lahat sa serbisyo-publiko
na likasyaman ng bansa'y ibabahaging wasto

dalawampung bahagdan, laan para sa palayan
dalawampung bahagdan, laan para sa gulayan
at tatlumpung bahagdan ang para sa kagubatan
habang labinlimang bahagdan para sa tirahan
at labinlimang bahagdan para sa kalakalan

bansa'y aayusin nang wala nang mapang-aglahi
wala nang mayayamang may pribadong pag-aari
dudurugin ang mapagsamantala, hari't pari
igagalang ang mga babae't kanilang puri
pagkakaisahin ang manggagawa bilang uri

nawa kung maging pangulo'y maging katanggap-tanggap
na mula sa uring manggagawa yaong lilingap
sa bansa, at bayang ito'y pauunlaring ganap
bakasakali mang ito'y matupad na pangarap
kapwa maralita'y mahahango na rin sa hirap

- gregbituinjr.

Mga Komento

Kilalang Mga Post