Ang mga maikling kwento ni Ohyie Purificacion

ANG MGA MAIKLING KWENTO NI OHYIE PURIFICACION
Maikling Sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Isa sa mga magagaling na manunulat para sa uring manggagawa si kasamang Ohyie, o Ma. Lorena Purificacion. Isa siyang dating pangulo ng unyon sa kumpanya ng Noritake, ang Noritake Porcelana Labor Union (NPLU) na isa sa kasaping unyon ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Bukod sa kanya ay may dalawa pang kasamang manunulat ang may natipon ding mga sulatin - ang gurong si Prof. Ramon Miranda, na isa sa best man ko sa kasal, at si Ka Jhuly Panday na nasa Partido Lakas ng Masa. At kung makakapag-ipon tayo ng sapat na sulatin para maisaaklat ang kanilang mga naipong akda ay ilalathala natin ang mga iyon bilang aklat. Ito naman ay sa pamamagitan ng pinangangasiwaan kong Aklatang Obrero Publishing Collective.

Anim ang maikling kwento, dalawang tula at isang sanaysay ni kasamang Ohyie ang natipon ko. Dalawang kwento niya ang nalathala sa magasing PUGON ng NPLU. Apat na maikling kwento naman niya ang nalathala sa magasing ANG MASA na inilathala ng Partido Lakas ng Masa mula Nobyembre 2011 hanggang Mayo 2012.

Nalathala sa PUGON ang kanyang maikling kwentong "Anay at Bukbok" at "Minsan, sa Luneta". Nalathala naman sa magasing ANG MASA ang kanyang maikling kwentong "Ang Huling Biyahe ni Margie" (Nobyembre-Disyembre 2011), Si Mina (Disyembre 2011 - Enero 2012), Si Violy (Pebrero-Marso 2012), at Si Hanna, at si Lilly (Abril-Mayo 2012). Inilagay ko ito sa kawing na http://mgaakdaniohyie.blogspot.com/ blogsite ng kanyang sulatin na ako na ang lumikha, sa layuning hindi na ito mawala.

Mayroon din siyang sanaysay na pinamagatang "Kumusta na ang mga manggagawa", at dalawang tulang pinamagatang "Ang Mundo ay Triyanggulo" at "Ang Manggagawa".

Anim na makabuluhang maiikling kwento hinggil sa buhay sa pabrika, buhay ng manggagawa, buhay ng kababaihan, na tiyak na kagigiliwang basahin ng madla. Anim na kwentong nararapat mapasama sa panitikang Pilipino.

Kung hindi nagsara ang magasing Ang Masa dahil sa kawalan ng pondo, marahil ay nasa apatnapu o limampu na ang kwentong naisulat ni kasamang Ohyie. At maaari na itong maisalibro.

Nawa'y makapagsulat pa si kasamang Ohyie ng makabuluhan at napapanahong maiikling kwento ng buhay, lalo na sa panahon ng tokhang, kontraktwalisasyon, at paninibasib ng globalisasyon sa kabuhayan ng mamamayan. Alam kong kaya ni kasamang Ohyie na isulat ang mga ito. Marahil kailangan muli ng malalathalaang magasin o pahayagan upang sumipag muli si kasamang Ohyie sa pagsusulat. 

O kaya naman, may mga naisulat na talaga siyang maiikling kwento pa, subalit nakatago lamang dahil walang maglathala. Sana'y marami pa siyang naipong kwentong dapat malathala dahil ang talento ng tulad niyang dating lider ng unyon ng manggagawa ay hindi dapat maitago na lamang.

Napapanahon na upang malathala ang kanyang mga kwento sa isang aklat at bibilhin natin ito sa National Book Store, Power Books, Fully Booked, Book Sale, Popular Book Store, at iba pa.

Malaking ambag sa panitikang manggagawa at sa panitikang Pilipino ang kanyang mga sulatin.

Mga Komento

Kilalang Mga Post