Ang limang anak ni Gat Andres Bonifacio


ANG LIMANG ANAK NI GAT ANDRES BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ang karaniwang alam natin kay Gat Andres Bonifacio ay may isa siyang anak sa kanyang asawang si Gregoria de Jesus, subalit ito'y namatay.

Subalit may apat pang anak si Gat Andres Bonifacio. Kung mayroon nga, nasaan na kaya sila? May mga apo kaya ang mga anak niyang ito na nabubuhay sa ngayon?

Bukod kay Gregoria de Jesus o Oriang, may iba pang babaeng nakaugnayan ni Andres Bonifacio, kung saan nagkaroon siya ng anak sa mga ito. Ito'y malinaw na itinala ni Jose P. Santos sa kanyang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" sa pahina 3 at pahina 5. Narito ang tala:

"Ang unang niligawan ni Andres Bonifacio ay isang babaeng nagngangalang Monika at taga-Palomar, Tondo, na ayon sa mga nakakakilala ay may katutubong kagandahan din naman. Nagkaibigan sila at nagsamang parang tunay na mag-asawa. Si Monika ay namatay sa sakit na ketong. Nagkaroon dito ng tatlong anak si Andres Bonifacio na hindi naman malaman kung buhay pa o patay na."

"Ang ikalawang kinasama at pinakasalan ni Andres Bonifacio ay nagngangalang Dorotea Tayson. Ito ay hindi rin nababanggit sa mga kasaysayan niyang nagsilabas na. Nang mamatay ito ay napakasal uli kay Gregoria de Jesus na siyang nakasama niya sa pamumundok at nakahati sa kahirapan."

"Noong 1894 o 1895, si Andres Bonifacio ay nagtungo sa Libog, Albay, kasama ang mananaysay na amerikanong si John Foreman na isa sa kanyang matalik na kaibigan at kapalagayang loob. Sinasabi ni Dr. Jose P. Bantug na siya kong pinagkakautangan ng mga ulat na ito, na si Andres Bonifacio ay nagkaroon doon ng kasintahan na nagngangalang Genoveva Bololoy at dito'y nagkaroon siya ng isang anak na babae na pinanganlang Francisca. Nang makilala ni Andres Bonifacio si Genoveva ay tumutuntong lamang ito (ang babae) sa gulang na 22 taon. Maging ang ina at ang anak ay kapuwa buhay pa, ayon kay Dr. Bantug. Si Francisca ay naninirahan ngayon sa Irosin, Sorsogon at makalawang magkaasawa, ang una'y namatay at ngayo'y muling napakasal kay Roman Balmes."

Libog ang dating pangalan ng bayan ng Santo Domingo ngayon sa Albay, na kaiba sa bayan ng Libon, sa Albay din.

Walang nabanggit sa nasabing aklat na may anak si Andres Bonifacio kay Gregoria de Jesus. Subalit sa ulat ng GMA Network, ayon umano sa historyador na si Xiao Chua, "Bukod sa kasal sa simbahan sa Binondo, nagpakasal din sina Andres at Gregoria sa ritwal ng Katipunan kung saan kinilala ang kaniyang maybahay bilang "Lakambini" ng Katipunan. Nagkaroon ng anak na lalaki sina Andres at Gregoria pero namatay din sa sakit nang bata pa."

Sa madaling sabi, lima ang naging anak ni Gat Andres Bonifacio: tatlo kay Monika, walang nabanggit na anak kay Dorotea Tayson, isa kay Genoveva Bololoy, at isa kay Gregoria de Jesus.

Mga Pinaghalawan:
aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos, nalimbag noong 1935


Mga Komento

Kilalang Mga Post