Ang BAHAY ni Gary Granada


ANG BAHAY NI GARY GRANADA
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kinagiliwan ng maraming maralita ang awiting Bahay ni Gary Granada. Kaya kadalasan nila itong inaawit sa mga pagtitipon. Tila baga ang awiting Bahay ay isang pagsusuri kung katanggap-tanggap ba ang barung-barong bilang bahay, na bagamat ito ang karaniwang tirahan ng mga maralita, ay masasabi nang matinong bahay, o hindi nararapat tirahan pagkat pinagtagpi-tagping basura lamang ang kanilang tahanan. Halina’t tunghayan natin ang liriko ng nabanggit na awitin:

Isang araw ako'y nadalaw sa bahay tambakan
Labinglimang mag-anak ang duo'y nagsiksikan
Nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira
Habang doon sa isang mansyon halos walang nakatira
Sa init ng tabla't karton sila doo'y nakakulong
Sa lilim ng yerong kalawang at mga sirang gulong
Pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato
Hindi ko maintindihan bakit ang tawag sa ganito
Ay bahay

Sinulat ko ang nakita ng aking mga mata
Ang kanilang kalagayan ginawan ko ng kanta
Iginuhit at isinalarawan ang naramdaman
At sinangguni ko sa mga taong marami ang alam
Isang bantog na senador ang unang nilapitan ko
At dalubhasang propesor ng malaking kolehiyo
Ang pinagpala sa mundo, ang dyaryo at ang pulpito
Lahat sila'y nagkasundo na ang tawag sa ganito
Ay bahay

Maghapo't magdamag silang kakayod, kakahig
Pagdaka'y tutukang nakaupo lang sa sahig
Sa papag na gutay-gutay, pipiliting hihimlay
Di hamak na mainam pa ang pahingahan ng mga patay
Baka naman isang araw kayo doon ay maligaw
Mahipo n'yo at marinig at maamoy at matanaw
Hindi ako nangungutya, kayo na rin ang magpasya
Sa palagay ninyo kaya, ito sa mata ng Maylikha
Ay bahay

Ang barungbarong nga ba ay bahay? Paano mo masasabing sapat nga ang isang pabahay, batay sa karapatan sa pabahay? Basta ba may kalan, kaldero, kainan, kusina, kumot, at katre, ay masasabi nang bahay?

May batayan para sa maayos at sapat na pabahay na binabanggit sa dokumento mismo ng United Nations Committee on Economic, Social and Cultural Rights (ESCR). Ito'y nakasaad mismo sa General Comment No. 4 (1991) ng nasabing komite. Narito ang pitong sangkap upang tiyakin ang karapatan sa sapat na pabahay.

1. Ligal na Seguridad sa Paninirahan (legal security of tenure) 

2. Matatamong serbisyo, materyales at imprastraktura (availability of services, materials and infrastructure)

3. Kayang-kayang matamong paninirahan (affordable housing) 

4. Bahay na matitirahan (habitable housing)

5. Kayang puntahang pabahay (accessible housing)

6. Lokasyon (location)

7. Sapat na pangkulturang pabahay (culturally adequate housing)

Sa usapin ng habitability o talagang matitirahan ay ganito ang mga pamantayan:

- Floor area (laki at lawak ng sahig) – 60-72 metro kwadrado

- Sapat na bilang ng bintana para sa pagpasok ng sariwang hangin (bentilasyon)  

- Pagtakas sa sunog (fire escape) para sa mga gusaling residensyal

- Kahit papaano’y may 3 silid (isa sa magulang at 2 sa mga bata)

- May palikuran at kusina

- Sapat na kapal ng dingding para sa duplex, hilera ng mga bahay (row houses) at mga gusaling residensyal

- Sapat na layo sa mga kapitbahay (para sa mga single-detach na yunit)

- May sapat na ilaw, ligtas na kuryente

- Itinayo ng malayo sa mga tambakan ng basura (dump sites)

- Malayo sa mga mapanganib na lugar (danger zones)

- Dapat na matibay ang bahay para maprotektahan ang mga nakatira mula sa panganib tulad ng lindol, baha, atbp.

Malinaw ang mensahe ng awitin ni Gary Granada. ito'y pagtatanong kung ano ba ang kahulugan ng bahay. Ito'y isang pagsisiyasat upang maunawaan natin kung ano ba dapat ang bahay. Hindi ka dapat nakatira sa mapanganib na lugar, tulad ng gilid ng riles ng tren, gilid ng ilog, o tabi ng tambakan ng basura. Noong unang panahon, sa mga yungib o kuweba pa nakatira ang tao, subalit sa sibilisasyon ngayon, sa panahon ng sistemang kapitalismo, bakit may mga taong walang matinong tahanan.

Nakita rin natin sa unang talata pa lang ang tunggalian ng uri sa lipunan, ang kaibahan ng tirahan ng mahirap at mayaman. Labinglimang maralitang mag-anak ang nagsiksikan at nagtitiis sa munting barung-barong na sira-sira, habang doon sa isang mansyon ay halos walang nakatira.

Tao kang may dangal, may damdamin, at may diwa, kaya bakit ka nakatira lang sa isang pinagtagpi-tagping basurang pinatungan ng bato. 

Wala man siyang inirekomenda ay mahahanap din natin ang kasagutan bilang maralita, bilang taong may dignidad. Dapat may wastong bahay para sa bawat tao, at ang bahay ng maralita ay hindi dapat tagpi-tagping karton lang, kundi bahay ng tao batay sa ating karapatang pantao at dignidad bilang tao.

* Ang bahagi ng artikulong ito'y unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Pebrero 16-29, 2020, mp. 18-19.

Mga Komento

Kilalang Mga Post