Matabang punla

MATABANG PUNLA

ang mga aktibista't tulad ng matabang punla
pagkat lipunang makatao ang inaadhika
lumalaban sa mga gahaman, tuso't kuhila
laban sa burgesyang mapagsamantala sa dukha

tumaba ang punla na araw-gabi'y dinidilig
na balang araw ay gintong palay ang mahahamig
tulad man ng dukhang isang tuka sa bawat kahig
ay patuloy sa pagkilos at pagkakapitbisig

ang manggagawa'y tulad ng masipag na kalabaw
gigising na't magtatrabaho sa madaling araw
kalabaw at tanim ay titiyaking di mauhaw
habang inaaral ang lipunan sa bawat galaw

mataba ang lupa sa paglunsad ng pagbabago
na ang mga kuhila'y patatalsikin sa pwesto
upang uring manggagawa ang maging liderato
magtatayo ng hangad na lipunang makatao

habang kapitalismo'y patuloy na yumuyurak
ng dangal ng bayan ay nariyan ang mga tibak
nagtatanim ng palay sa bundok man o sa lambak
na pawang masisipag sa paglinang ng pinitak

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Mga Komento

Kilalang Mga Post