Labada

LABADA

nang makapananghali'y naglaba
nitong damit ng aking asawa
sa akin, wala namang problema
kung labada man ay sangkaterba

kay misis naman ang mga iyon
na pawang suot niya kahapon
ako'y kuskos dito, kuskos doon
damit ko'y sinabay ko na roon

hanggang ang labada'y binanlawan
bago isampay ay pinigaan
aking hinanger ang karamihan
ang iba'y inipit sa sampayan

ganyan kami, tulungan sa bahay
ako'y maglalaba't magsasampay
sa pagkukusot, may naninilay
akin palang diwa'y naglalakbay

kung saan-saan nakakarating
tila baga ako'y nahihimbing
kaya maglaba'y kaysarap gawin
pagkat may tula nang kakathain

- gregoriovbituinjr.
02.17.2022

Mga Komento

Kilalang Mga Post