Pamimigay ng mga aklat sa Araw ng mga Pusò
BOOK GIVING SA ARAW NG MGA PUSÒ
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.
Friday the 13th, madaling araw, nang mabasa ko ang ibinahaging patalastas ng Santelmo Publication sa pesbuk, hinggil sa Book Giving sa Quezon City Public Library sa Araw ng mga Pusò, ng ikasiyam ng uamaga. Para rin ang donasyong ito sa mga PDL (Persons Deprived of Liberty) na nasa Quezon City Jail.
Bago mag-ikawalo ng umaga ng Pebrero 14, 2026, ikawalong anibersaryo ng civil wedding namin ni misis sa Tanay, katatapos ko lang ng isang tulâ bilang pag-alala sa namayapa kong asawa, nang mabasa ko muli sa patalastas ng Santelmo ang oras na 9am-10am. Akala ko'y 9am-12nn, mali pala ako. Kaya pandalas akong naligo, nagbihis, kumuha ng mga aklat na ido-donate ko, at naghandâ nang umalis.
Pagkarating ko'y alas-nuwebe y medya na. Nagsimula na ang programa. Naabutan kong namimigay na ng mga aklat si Rio Alma o National Artist Virgilio Almario. Kaya pasimple ko ring ibinigay sa isang staff na naroon ang donasyon kong tiglimang aklat ng mga ginawa kong libreto - ang "Malayang Salin ng mga Tula ng mga Makatang Palestino" at ang "Tula't Tuligsa Laban sa Korapsyon."
Nang mag-selfie ako kay Rio Alma, nakangiti siyang sinabi sa akin, "O, Greg!" na ibig sabihin, natatandaan pa niya ako. Pambihirang pagkakataong muli siyang makadaupang palad. Kaya binigyan ko rin siya ng kopya ng dalawa kong aklat. Naging guro ko siya sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) noong Setyembre 2001 hanggang Marso 2002.
Dumalo rin doon ang mga kamag-anak ng mga nakakulong sa QC Jail, mga taga-BJMP (Bureau of Jail Management and Penology), at mga staff ng Santelmo Publications.
Tinawag din ang pangalan ko ng emcee bilang isa sa mga nag-ambag ng aklat. Naisip ko nga, ano bang iiwan ko sa mundo kundi mga kinatha kong kwento't tulâ. Kaya ang mag-ambag sa mga aklatan ng nagawâ kong aklat ay isang marangal na adhikà.
PAG-AMBAG NG AKLAT
kaysarap mag-ambag nitong gawa kong libro
sa tulad ng Quezon City Public Library
at Quezon City Jail, kanina lamang ito
ambag bilang makatang sa bayan nagsilbi
aking inalay ang dalawa kong nagawâ
"Malayang Salin ng mga Tulâ ng mga
Makatang Palestino" at "Tula't Tuligsâ
Laban sa Korapsyon", salamat po talaga
kaysaya kong buong puso nilang tinanggap
ang munti kong librong bunga ng pagsisikap
bagamat pulitikal, ito'y mapaglingap
sa naapi para sa lipunang pangarap
nakapag-selfie na rin sa makatang Rio
Alma, National Artist Virgilio Almario
muli, salamat po sa patalastas ninyo
kaya talagang ako'y nagpuntang totoo
02.14.2026
* mga litrato kuha sa Book Giving sa Quezon City Public Library








Mga Komento
Mag-post ng isang Komento